Saturday, August 31, 2013

BIO-DATA ng isang nangangalakal

Habang nakaupo ako sa haligi ng Manila Bay, kinuhanan ko ng litrato ang paligid. May isang basurero akong napansin sa di kalayuan ng kinauupuan ko. Napansin ko siyang umiinom ng kape habang may dinudukot na biskwit sa bulsa. Pinagmasdan ko siya hanggang sa matapos at napansin kong malayo ang tingin nya. Nilapitan ko siya para kamustahin. Eto ang ilan sa naging usapan namin:

Ako:kamusta, kuya?



Kuya: mabuti naman



Ako: ano'ng pangalan mo?



Kuya: Francis



Ako: ako si joy. taga saan ka?



Francis: valenzuela.



Ako: paano ka napunta dito?



Francis: lumayas ako eh.



Ako: (hindi ko napigilang lumuha habang nagsasalita) bakit ka lumayas? Alam mo kanina natuwa ako sayo dahil pagkatapos mong kumain, mukang kuntento ka na. Ako, tuwing napapadpad ako dito sa Manila bay, parang kinukurot ang puso ko sa mga taong nakahiga sa kalye. Walang makain at madungis. Naguguilty ako dahil ako nakakakain naman ng sapat, may bahay at nakakabili ng damit pero madami pa din akong reklamo sa buhay. Isa ka sa kanila, pero bakit?



Francis: lumayas ako kasi tatlong buwan na kong walang trabaho, na endo ako. anim kami magkakapatid. Nahihiya ako dahil pakiramdam ko pabigat ako.



Ako: paano ka nabubuhay sa isang linggo mong pagala gala?



Francis: nangangalakal. Namumulot ng plastik at lata tapos ibebenta.



Ako: anong naisip mo bakit ka lumayas sa inyo?



Francis: magpapalipas lang. Mag iisip isip. Ang baba ng tingin ko sa sarili ko.

Ako: sigurado nagaalala na ang magulang mo sa'yo. Sumagi ba sa isip mong umuwi na?



Francis: oo. Pero galit sila siguro. Hindi nga nila ako hinahanap.



Ako: hindi mo malalaman yun dahil nandito ka, hindi mo alam baka di rin nakakatulog ng ayos ang Nanay mo. ano ba'ng natapos mo at ano ang mga naging trabaho mo?



Francis: highschool po. Nag waiter ako sa padi's at nag knitting operator ako. Ate, ako nga nagluluto samin sa bahay, madami akong alam na luto. Yung pagbubuhat ng mabigat, yun lang ang di ko kinakaya.



Ako: kuya, alam ko ang nararamdaman mo. minsan din akong naging rebeldeng anak. Nakaramdam din ako ng hiya at bumaba ang tingin ko sa sarili ko. Pero ilang taon ka na ba? Naisip mo ba na ilang taon kang kinupkop ng magulang mo. walang bagay ang makakaalis sa pagmamahal ng magulang para sa anak. Hindi mahalaga ang pera. Mahalaga ay kumpleto kayo.



Francis: 25 na ko. May college nga akong kapatid e. madami kami sa bahay. Kaso natatakot ako. Nahihiya.



Ako: isipin mo na lang, ang kaba na yan ay kabayaran lang dahil iniwan mo sila ng walang paalam. Pero maliit na bagay lang yun kumpara sa maibibigay mong kasayahan sa nanay mo dahil nagkita na kayo ulit. Tapusin mo na 'to. Magsimula ka ulit at tutulungan kita. Magkasundo tayo. Nangyari lahat ng ito dahil may dahilan ang Diyos. Kilala mo ba si God?



Francis: Oo ate Christian ako.



Ako: si God ang nagbigay sakin ng lakas ng loob para lumapit sayo at kausapin ka. May mga natutunan ka ba sa isang linggo mong paglalaboy? Nahimasmasan ka na ba?



Francis: oo ate. Babalik naman ako pag ok na'ko.



Ako: isipin mo na lang pagkakataon 'to ulit. Makakapagsimula ka na.maaayos mo buhay mo. magtulungan tayo. Makinig ka sakin at umuwi ka sa inyo at ako, gagawin ko ang lahat para makahanap ng trabaho para sa'yo. magtiwala ka sa'kin at magtitiwala akong uuwi ka na. bibigyan kita ng pamasahe.



Francis: may pera po ako, kinita ko sa pangangalakal.



Ako: sige. Tatayo tayo dito ngayon at sisimulan nating ayusin ang buhay mo.



Francis: ate, pa'no to? (Patukoy sa mga basurang napulot nya sa mag hapong pangangalakal)



Ako: itapon mo na lang sa basurahan. Tandaan mo, hindi yan ang trabahong para sa'yo. Kung hindi mo kakalimutan ang awa sa sarili, habang buhay ka matutulog sa kalsada na 'to kasama ng sako mo.



Pumunta kami sa isang convenience store, bumili ako ng BIO-DATA at ballpen. Nung una ay nahihiya siyang pumasok dahil sa gwardya pero kinausap ko ito at pinapasok naman nya kami. Hinayaan kong si Francis ang magsulat. Nakakatuwa dahil kabisado nya pa din ang lahat ng petsa kung kailan sya mga nagtrabaho. Ngunit wala siyang maisulat sa contact number, wala silang telepono at hindi nya alam ang numero ng kapatid nya. Binigay ko sa kanya ang cellphone number ko at ipinangako nyang makikitext sya para mailagay ko sa BIO-DATA nya kung sakali siya ay tatawagan na. Lumabas kami at naghiwalay ng landas.



Habang naglalakad ako, naisip ko, isa si Francis sa madaming Pilipinong naghahanap ng trabaho pero walang makita. Kung meron man, may kontrata na matatapos sa loob ng anim na buwan. Kung ang lahat ng walang trabaho ay tatambay. Mawawalan ng tiwala sa sarili. Lalayas. Napakahirap yatang isiping magpapalaboy laboy lang sila dahil lang sa kakulangan ng trabaho. Mararangal na trabaho para sa mga taong may talento at kapasidad ang kailangan bigyan ng pansin.



Sana makarating ang blog na ito sa tamang tao. Isang trabaho lang ang hiling ko para sa taong ito. At kung maari malapit lang sa kanyang tinitirhan sa Valenzuela para kasama nya pa din ang pamilya nya at di nya na kailangan pang lumayo at mamasahe. Bukod sa karanasan, abilidad alam kong isa rin sa kwalipiskasyon para sa isang trabaho ay ang ang PUSO, at iyan ang naramdaman ko sa taong ito sa ilang oras naming paguusap. Naniniwala ako na sa pagbigay ng isang pagkakataon sa kanya, mabibigyan sya ng pag-asa at madaragdagan ang mga Pilipinong handang magpakita ng sipag at talento para maitaguyod ang pamilya.



Tulungan po natin si Francis. Eto ang kanyang BIO-DATA at larawan (na maaring palitan ng mas malinis at kaaya aya na gaya sa ordinaryong aplikasyon).



Ipagbigay alam nyo sana sa akin: 0906-5659982 at kapag nakahanap na ng paraan si Francis na maipaalam sakin ang numero ng kahit sino sa kakilala nya, naipangako nyang kukuha siya ng NBI clearance at susunod sa normal na proseso ng isang aplikante.



Salamat po.

Update: 10:56am, Linggo. Nakatanggap ako ng text. Mula pala ito sa Nanay ni Francis. Ipinaalam niya na nakauwi na ang anak nya. Tumawag din si Francis upang magpasalamat. Maaliwalas ang boses nito at halatang masaya. Hindi ko hahayaang mamatayan ulit ng pag-asa si Francis. Hindi ako titigil.